Sangguniang Kabataan Chairpersons sa Palawan,
sumailalim sa isang pagsasanay sa pagbuo ng
Youth Development Plan
_____________
Labin-anim na mga Sangguniang Kabataan (SK) Chairpersons mula sa iba’t-bang munisipyo ng Palawan ang sumailalim sa isang pagsasananay patungkol sa pagbuo ng Youth Development Plan na magtataguyod sa kapakanan ng mga kabataan sa lalawigan.
Ang naturang gawain na may titulong “LGU in the Frontline: A Call for Youth Involvement and Participation” ay isinagawa noong ika- 28 hanggang ika-29 ng Hulyo taong kasalukuyan sa Ai World Resort, Lungsod ng Puerto Princesa. Ito ay sa pangunguna ng isang non- government organization (NGO) na The Forum for Family Planning and Development (The FFPD) Inc katuwang ang Provincial Health Office (PHO) at ilang NGOs sa lalawigan.
Ayon kay G. Kevin De Vera, Project Manager ng The FFPD Inc, layunin ng gawaing ito na mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga opisyales ng SK sa Palawan sa pagbuo ng kanilang plano lalo’t higit sa usaping pangkalusugan.
Samantala, Dumalo sa pagsasanay si Hon.Anyatika Rodriguez, ang bagong halal na SK Federation President sa Palawan at kasalukuyang umuupo bilang kinatawan ng Sangguniang Kabataan sa Sangguniang Panlalawigan.
Kaugnay nito, naanyayahan upang magbahagi ng paksa patungkol sa Reproductive Health Situation ng Palawan si Dr. Mary Ann H. Navarro, officer-in- charge ng Provincial Health Office (PHO). Kanyang ipinaalam sa mga dumalong SK Chairman ang kasalukuyang estado ng lalawigan sa aspeto ng kalusugang-pangreproduktibo (reproductive health) lalo’t higit ang usaping angkop para sa mga kabataan sa kasalukuyang panahon katulad ng teenage pregnancy, maternal health, Human Immuno Virus (HIV) maging ang Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).
Ayon naman kay Gng. Odessa Del Mundo, Youth Development Officer mula sa Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO), magandang pagkakataon ang naturang aktibidad upang mabigyan ng sapat na pagsasanay ang mga bagong halal na opisyales ng Sangguniang Kabataan sa pagganap ng kanilang tungkulin. Ibinihagi rin nito sa mga dumalong partisipante ang oryentasyon patungkol sa “Comprehensive Barangay Development Plan” na nakaayon naman sa National Youth Commission (NYC) na magiging batayan ng mga ito sa mga isasakatuparang mga programa at proyekto sa kanilang lugar.
Tinalakay rin sa naturang aktibidad ang paksa sa pagpapatupad ng Responsible Parenthood and Reproductive Health (RPRH) o RPRH Law at ang mga isinasakatuparang mga programa sa ilalim ng naturang batas. Ang talakayan ay pinangunahan ni Gng. Chi L. Vallido, Director for Programs and Advocacy ng The FFPD Inc. Dagdag pa rito, Nagkaroon din ng pagkakataon upang kamustahin ang usaping hinggil sa Orientation on Sexual Orientation & Gender Identity and Expression (SOGIE).
Ayon naman kay Dr. Louie Ocampo, Country Director ng United Nations (UN) Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS) sa bansa, umaabot sa“33 new HIV cases diagnosed everyday in the Philippines”. Ito umano ang kasalukuyang sitwasyon ng Pilipinas patungkol sa sakit na HIV at AIDS na lubhang nakababahala sa otoridad-pangkalusugan.
Sa pagtatapos ng naturang pagsasanay bumuo ang mga ito ng isang plano kung saan nakatuon sa mga programa at proyekto na magtataguyod ng kalusugan ng mga kabataan sa kanilang mga lugar.Nagpaabot rin ang mga ito ng pasasalamat dahil sa pagkakataong ipinagkaloob sa mga ito upang pagtuunan ng pansin ang mga suliraning kinakaharap ng mga kabataang Palaweno.